GENERAL SANTOS CITY – Isa na namang miyembro ng KAPA o Kabus Padatuon ang dumulog sa Bombo Radyo upang magpasaklolo para maibalik ang kaniyang pera na na-invest.
Ayon kay alyas Toto, ibinenta nito ang kaniyang dalawang baka sa halagang P70,000, upang may mai-invest sa KAPA noong Abril, subalit kailanman ay hindi pa siya nakakatanggap ng payout.
Kasabay nito iginiit ni “Toto” na hindi ito naniniwalang isang religious organization ang KAPA dahil wala naman umanong ginagawang church-related activities sa loob ng tanggapan nito maliban sa “pay-in at payout” na operasyon nito.
Hinamon din nito ang founder ng KAPA na si Pastor Joel Apolinario na kung totoong isa talagang pastor ay huwag nang magtago sa halip ay lumantad na at harapin ang mga miyembro at ibalik ang kanilang pera.
Desidido ngayon si alyas Toto na magsampa ng kaso laban sa KAPA at kay Apolinario kapag hindi naibalik ang kaniyang perang na-invest sa pamamagitan ng donation.
Ilang mga miyembro mula sa Koronadal ang una na ring nagpaabot ng kanilang hangaring kasuhan ang KAPA.
Kung maalala ang Securities and Exchange Commission ay nagsampa na rin ng reklamo laban kay Apolinario at iba pang mga opisyal matapos na iutos ng Pangulong Rodrigo Duterte ang crackdown sa mga tanggapan ng Kabus Padatoon.
Ang mga assets ng KAPA ay nasa ilalim na rin ng freeze order ng Anti-Money Laundering Council.