Nagdaos ng pagtitipon ang grupong nagpakilalang miyembro at supporter ng Kabus Padatuon (KAPA) sa Quezon Memorial Circle nitong Miyerkules ng hapon.
Ayon sa KAPA member at Ahon sa Kahirapan Movement convenor Danny Mangahas, layunin nitong ipakita ang kanilang pagtutol sa pagpapasara ng gobyerno sa mga tanggapan ng KAPA dahil sa isyung ito ay investment scam.
Giit ni Mangahas, may mga lehitimong negosyo ang kanilang organisasyon at doon napupunta ang ibinibigay na donasyon ng kanilang mga nahihikayat.
Pero nanindigan si SEC Chairman Emilio Aquino na iligal ang operasyon ng KAPA.
Iginiit nitong kanselado na ang registration ng nasabing investment group at ipinasasara na rin ang mga opisina nito, kung saan nanggaling pa mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte ang direktiba.
Kinontra rin ni Aquino ang pag-angkin ng KAPA na may mga lehitimo silang negosyo dahil kung titingnan umano ang sinasabing pinupuntahan ng mga donasyon o investment, wala namang kumikita halos sa mga ito dahil karamihan ay bagong bukas pa lang at ang iba ay non-profit pa, kagaya ng paaralang ipinagmamalaki ni KAPA founder Joel Apolinario.
“KAPA is running a scam. Its financials do not show that it has a capability to deliver. We have to put a stop to it, otherwise there will be more victims who will be recruited and bring in money,†pahayag pa ni Aquino.