-- Advertisements --
Salvador Panelo
Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo

KORONADAL CITY – Inuulan ngayon ng katanungan ang himpilan ng Bombo Radyo Koronadal mula sa maraming ilang listeners kung papaano nila mababawi pa ang kanilang perang na-invest sa Kabus Padatuon o KAPA Community Ministries International, Inc.

Napag-alaman na sa ngayon wala ang presensiya ng founder ng KAPA na si Pastor Joel Apolinario sa probinsiya at sarado ang lahat ng mga tanggapan.

Dahil dito mas domoble ang pangamba ng mga investors bunsod sa pagkakaroon ng sunod-sunod na mga raid sa bahay ng KAPA founder at mga opisina sa Mindanao at iba pang panig ng bansa.

Marami ang nagpaabot ng pangamba na baka tuluyang wala na silang perang mababawi kung saan isa sa mga miyembro umano ng KAPA na traysikel driver ang umiyak pa dahil nag-aalala ito sa P30,000 na pinaghirapang pera na ginawang pamumuhunan at inilagak sa KAPA.

Liban dito, marami rin daw ang umutang pa sa mga lending companies para makapag-pay in sa KAPA na problemado na dahil walang inaasahang pambayad matapos magsara ang mga tanggapan.

Samantala ang Malacañang ay pinanindigan ang naging kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagpapasara ng KAPA Ministry International Inc. at iba pang investment companies na may operasyong labag sa batas.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, ginawa lang ni Pangulong Duterte ang nararapat para matuldukan ang panloloko nito sa mga tao.

Paliwanag ni Sec. Panelo, babagsak sa syndicated estafa ang ginawang pang-eenganyo ng mga kompaniyang ito na mag-invest kapalit ng malaking porsyentong tubo sa mabilis na panahon.

Pinayuhan naman ng kalihim ang mga biktima ng investment scheme gaya ng KAPA na magsampa ng kaso para mabawi nila ang puhunang inilagak sa naturang kompaniya o organisasyon.

Kamakailan lamang ay nag-utos naman ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa pag-freeze sa mga asses ng KAPA.

Habang noong nakaraang taon naman ang Securities and Exchange Commission (SEC) ay may order para sa cease and desist order sa ginagawang investment scheme ng grupo.

Ni-revoke rin ng SEC ang certificate of incorporation ng KAPA.

Giit ng SEC ang revocation order sa rehistro ng KAPA ay pagbabawal ng “investment taking” mula sa donasyon ng kanilang mare-recruit na mga miyembro.

Samantala, sinabi naman ni SEC Chairman Emilio Aquino sa isinagawang press conference na sasampahan na ng kasong kriminal ang KAPA founder, mga incorporators at iba pang mga opisyal at supporters kasabay nang paninindigan sa kanilang hakbang na pagpapatupad ng closure o shutdown nito.

Binigyang-diin din ni Aquino na ang pangako na 30% monthly interest ng KAPA ay “ridiculously high” at “mathematically unexplainable.” (with reports from Bombo Reymund Tinaza)