-- Advertisements --
Pastor Joel Apolinario
KAPA founder Pastor Joel Apolinario (video grab from Facebook live)

Nasa loob pa umano ng Pilipinas at hindi pa nakakalabas ng bansa ang founder ng KAPA Community Ministry International Inc., na siyang nasa likod ng umano’y pinakamalaking investment scam ngayon sa bansa.

Ginawa ng National Bureau of Investigation (NBI) ang paglilinaw matapos na mabigo ang mga otoridad na maabutan si Pastor Joel Apolinario sa pagsisilbi ng search warrant sa bahay nito sa General Santos City kamakalawa.

Una nang sinabi ni NBI Deputy Director for Regional Operation Service Antonio Pagatpat, na inihahanda na nila ang mabibigat na kaso laban kay Pastor Apolinario, mga opisyal at incorporators ng KAPA o Kabus Padatuon.

Ito ay makaraang makatipon na umano ng sapat na mga ebidensya ang NBI at Securities and Exchange Commission (SEC) nang isagawa ang raid sa iba’t ibang tanggapan ng KAPA sa bansa.

Ayon pa kay Atty. Pagatpat kabilang pa sa kanilang nakumpiska ay mga dokumento, records, mga kagamitan, laptop, cellphone at iba pa na magpapatunay sa iligal na operasyon ng KAPA.

pagatpat NBI 1
NBI Deputy Director for Regional Operation Service Antonio Pagatpat

Kasama rin sa narekober ng mga NBI agents sa magkahiwalay na crackdown sa opisina ng KAPA sa Taytay, Rizal ay pera na umaabot sa P2.2 million at meron ding P300,000 sa bahagi ng Cagayan.

Liban daw sa kasong paglabag sa Section 8 at 26 ng Securities Corporation Code of the Philippines, inihahanda na rin ng NBI ang mabigat na kasong syndicated estafa at large scale estafa laban kay Apolinario at mga kasama.

Ang naturang mga kaso ay walang piyansa.

Ibinulgar din ni Atty. Pagatpat na meron din silang mga NBI agents na kunwari ay nagpa-member mismo sa KAPA at doon napatunayan ang tinatawag na “donasyon” ay kumikita ng “blessings” o 30 porsyento kada buwan.

Ito aniya ay isang malinaw na panloloko sa mga miyembro.

Tiniyak pa ng NBI na kung walang miyembro ang magsasampa ng kaso, ang gobyerno na o mga otoridad ang makakalaban ng KAPA.

Samantala, tinawag naman ni Pagatpat na lumalabas ngayon sa kanilang imbestigasyon na ang KAPA ay ang “biggest Ponzi scheme” sa kasaysayan sa Pilipinas dahil sa aabot sa bilyon ang posibleng kinikita umano o naloloko sa mga miyembro.

“Tinatawag nilang donation pero lahat ng characteristics ng isang investment ay nandoon. Ang example na lang nito, anumang tawag nila na donasyon ito ay hindi puwedeng maging donasyon dahil ang characteristics ng isang investment ay andoon. Parang isang kuting ito na pilit na tinatawag na aso, hindi talaga puwedeng maging aso dahil ‘yan ay isang kuting,” giit pa ni Atty. Pagatpat.

Note: Pls click above NBI Deputy Director Antonio Pagatpat audio statement
NBI chief Lavin
NBI Deputy Director Ferdinand Lavin

Para naman kay NBI Deputy Director Ferdinand Lavin, naniniwala siyang hindi isang religious ministry ang ginagawa ng naturang grupo tulad nang ipinangangalandakan ni Apolinario kundi isang “criminal enterprise.”

“Ang totoo nito is that they are operating as a criminal enterprise,” dagdag pa ni Atty. Lavin.