-- Advertisements --

CEBU CITY – Nagsagawa ng search operation ang mga miyembro ng Regional Special Operations Group (RSOG)-7, PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Regional Intelligence Division, Securities and Exhange Commission (SEC) at National Bureau of Investigation ang opisina ng Kapa Community Ministry International, Inc. sa Brgy. Poblacion, bayan ng Compostela, Cebu.

Ito’y matapos nag-issue ang Manila Regional Trial Court ng search warrant laban sa KAPA kaugnay na rin sa paglabag nito sa Section 26 ng Securities Regulation Code of the Philippines.

Ayon kay P/Cpt. Ian Macatangay, hepe ng Compostela Police Station, talagang kuwestiyunable ang operasyon ng KAPA dahil nanghihingi ito ng donasyon pero may 30% na increase na makukuha, bagay na nakakuha ng kanilang atensyon para imbestigahan dahil kapag sinasabing donasyon, wala umano dapat itong returns.

Nabatid na walang permit galing sa mayor ang KAPA at wala ring lisensya ang kanilang security firearms.

Nakumpiska sa search operation ang mga membership forms, bank documents, ledgers, journals at ibang pang dokumento.

Ayon naman sa NBI-7 Special Investigator na si Bienvenido Panikan na nakatanggap sila ng report na sinuspinde muna ng KAPA ang kanilang operation sa Compostela dahil wala pa itong nakitang lilipatang lugar matapos nasunog ang kanilang opisina.