CENTRAL MINDANAO – Maraming mga miyembro ng Kabus Padatuon (KAPA) sa lungsod ng Kidapawan na nagmula pa sa iba’t ibang bayan sa probinsya ng Cotabato.
Ito ay pakikiisa nila sa dalawang araw na synchronized prayer rally simula kahapon hanggang ngayong araw ng Kapa Community Ministry International Inc.
Ayon kay KAPA Kidapawan media team head, Bong Encarnacion na binigyan sila ng permit ni Mayor Joseph Evangelista sa kanilang aktibidad.
Panawagan ng mga myembro ng KAPA kay Pangulong Rodrigo Duterte na sana dinggin ang kanilang hinaing at pahintulutan ang kanilang operasyon sa buong bansa dahil karamihan naman sa mga natulungan ay mga mahihirap na pamilya.
Kung maalala iniutos ng chief executive sa NBI at PNP-CIDG na ipasara ang mga tanggapan ng KAPA bunsod nang pagiging iligal nito dahil sa sistema ng investment scheme na maituturing na pyramiding.
Tinawag pa ng Presidente na “continuing crime” ang ginagawa ng Kabus Padatoon.
Nagdala rin ng plakards at nagsindi ng kandila ang mga dumalo sa prayer rally kung saan nagdasal sila sa Maykapal na ibigay ang kanilang kahilingan na makatulong sa kapwa sa pag-angat ng kanilang kabuhayan lalo na sa mga kapus-palad.
Giit pa ni Bong Encarnacion na hindi nagtatago ang tagapagtatag (founder) ng KAPA na si Pastor Joel Apolinario at nasa General Santos lamang daw ito.
Patuloy na inaayos umano ni Apolinario ang lahat na mga legal na dokumento para sa pagbabalik ng kanilang operasyon lalo sa tanggapan Securities and Exchange Commission (SEC).
Naninindigan si Encarnacion na maibabalik ang perang ibinigay ng mga myembro bilang donasyon sa KAPA.
Nakiisa rin sa prayer rally ang mga miyembro ng KAPA sa Kidapawan City at sa buong probinsya ng Cotabato.
Una nang kinasuhan ng SEC at ilan pang miyembro ng KAPA si Apolinario.
Ang NBI naman ay sinabi na rin na ang KAPA ang pinakamalaking pyramiding scam sa kasaysayan ng Pilipinas.
Sa kanilang pagtaya at batay sa mga narekober na dokumento, umaabot umano sa P100 milyon ang pinapaluwal o pay out kada araw.