Kinuwestiyon ni Buhay Party-list Rep. Lito Atienza ang malinaw na pagtanggi ng Bureau of Customs (BOC) na magpatupad ng pre-shipment inspection sa lahat ng mga cargo vans na pumapasok sa bansa.
Sa isang statement, sinabi ni Atienza na mula noong 2015 nang naisabatas ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) ay hindi pa rin naipapatupad ang pre-inspection provision nito.
Nakasaad sa Section 440 ng CMTA na lahat ng mga container vans ay dapat na nasuri na sa ports of origin pa lang nito.
“They should be cleared at the port of origin before shipment. When the Duterte administration came in, we expected that it would be implemented, but until now, nothing has changed. Obviously, the DOF (Dept. of Finance) is not keen on its implementation,” ani Atienza.
Kahapon sa plenary budget deliberations sa Kamara, tinukoy ni Atienza kay Rep. Horacio Suansing Jr., ang vice chairman ng Committee on Appropriations, na 2016 pa lamang ay tiniyak na sa kanya ni Finance Sec. Carlos Dominguez III na ipapatupad nito ang pre-shipment inspection provision.
Subalit humingi raw ang kalihim ng sapat na panahon para mapag-aralan ang batas pero makalipas ang tatlong taon ay hindi pa rin naman naipapatupad ang probisyon na ito.
Kung maaalala ayon kay Atienza, ilang bilyong pisong halaga ng shabu na nakakubli sa mga container vans ang nakapasok kamakailan sa mga pantalan sa bansa dahil hindi ito dumaan sa wastong inspection.
Natukoy sa budget hearing kahapon na nasa 12,000 container vans ang pumapasok sa bansa kada araw, at kaunti lamang sa mga ito ang dumadaan sa inspeksyon habang ang karamihan naman ay nakakadaan pa sa green lanes.
“Pinahihirapan natin lagi ang taongbayan sa buwis. Pero ang buwis na dapat kinokolekta, hindi natin pinapansin,” saad ni Atienza.