-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Tiniyak ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA 12 na ginagawa ng tanggapan ang lahat ng makakaya para sa kaligtasan at kaayusan ng mga Overseas Filipino Workers o OFWs.

Sa pamamagitan ng webinar na pinangunahan ni OWWA 12 Regional Director Marilou M. Sumalinog ay muling ibinahagi nito ang mga programa at serbisyo ng tanggapan para sa mga OFW at mga pamilya nito.

Nakiisa sa pulong ang iba’t-ibang mga Public OFW Desk Officer o PODO sa rehiyon kabilang si Aida Labina, PODO ng Kidapawan City.

Kabilang sa mga programa ng OWWA ay ang mga sumusunod: Livelihood Assistance for active members of OWWA, Educational Scholarship to college and skills training under TESDA, Repatriation of distressed OFWs and human remains, medical assistance and death and burial assistance.

Nakapaloob din dito ang OFW cases, Seafarers Business Individual Loans, “Sa Pinas Ikaw ang Mam at Sir (for licensed teachers working abroad), OFW associations at OFW children’s circle.

Sa naturang webinar ay binigyang-diin ni RD Sumalinog ang pagsisikap ng OWWA na itaguyod ang kapakanan ng mga OFW kasama ang kanilang mga pamilya.

Partikular na pinasalamatan ni RD Sumalinog ang mga PODO na siyang nilalapitan at kumukilos sa tuwing may kinakaharap na problema o isyu ang mga manggagawa sa ibayong dagat.

Bago lamang ay apat na mga OFWs mula sa Kidapawan City na nakaranas ng suliranin ang natulungang makauwi at makabalik sa kanilang pamilya. Ito ay kinabibilangan nina Jubelyn A. Rosas (Barangay Poblacion), Almarie B. Duengas (Barangay Balindog), Myrna T. Empleo (Barangay San Roque), at Elizabeth A. Caboneta (Barangay Mateo).

Pinasalamatan nila si Kidapawan City Mayor Atty Jose Paolo M. Evangelista at si PODO Labina sa mabilis na pagkilos ng City Government of Kidapawan at mahusay na koordinasyon sa mga concerned agencies tulad ng OWWA, POEA at iba pa kaya’t sila ay nakauwi sa lungsod at muling nakapiling ang kani-kanilang pamilya.