Hindi na ikinagulat pa ng mga kongresistang miyembro ng Liberal Party (LP) ang pagtanggap ni Vice President Leni Robredo sa pagtalaga dito ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang Co-Chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD).
Sa isang pulong balitaan sa Kamara, iginiit ni LP secretary general at Quezon City Rep. Kit Belmonte na pangunahi naman kasi sa puso at isipan ni Robredo ang magtrabaho ng maayos, at isulong ang kapakanan ng Pilipino.
“Masipag si VP Leni. sinsero si VP Leni. Matapang si VP Leni,” ani Belmonte.
Kailanman ay hindi aniya uurong si Robredo sa anumang responsibilidad na ibinibigay dito upang sa gayon ay maisulong ang pag-unlad ng kabuhayan ng nakararami.
Gagawin aniya ni Robredo nang naaayon sa batas at prinsipyo ang trabahong kaakibat nito.
Gayunman, sinabi ni Belmonte na hindi maiaalis ang agam-agam nila na mayroon pa ring susuway o hindi susunod sa direksyon ni Robredo.
Pero higit sa mga pagdududa, mas nangibabaw anya sa Pangalawang Pangulo ang sinseridad na tumulong.
“Alam naming maaaring hindi ipatupad ang kanyang mga atas. Alam namin na maaaring para sa administrasyon, pulitika lang lahat it,” wika ni Belmonte.