-- Advertisements --

Kinumpirma ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines na patuloy nilang iniimbestigahan ang mga sundalong nadawit sa isyu ng Confidential Funds ng Office of the Vice President.

Ayon kay AFP Spokesperson, Col. Francel Margareth Padilla, kabilang sa kanilang pinag-aaralan ngayon ang magiging kapalaran ng mga sundalong ito at maging ang mga kaso na maaaring ihain laban sa kanila.

Sa nakalipas na pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, kabilang sa mga tinukoy na pangalang dawit ay sina Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) Commander, Col. Raymund Lachica at maging si LtCol. Dennis Nolasco.

Kung maaalala, sinabi ni Padilla na limitado lamang ang ibinibigay na proteksyon ng VPSPG sa Pangalawang Pangulo at sa kanyang pamilya.

Ayon pa kay Padilla, tutuparin pa rin ng AFP ang kanilang propesyunal na mandato sakaling ayaw ng Pangalawang Pangulo ang mga bagong itinalagang security personnel.

Una nang isinailalim sa administrative relief ang ilan sa mga security details nito na nadawit sa naturang isyu para mabigyan ng patas na imbestigasyon.