-- Advertisements --

Inaasahan ng Department of Education (DepEd) ang magiging pagsunod ng mga pribadong paaralan sa basic education sa kaparehong guidelines na kanilang itinatag para sa mga pampublikong paaralan.

Ayon kay DepEd Assistant Secretary Malcolm Garma, kinakailangang sumangguni ng mga private schools na nagnanais na makilahok sa expansion phase ng limited face-to-face classes sa interim guidelines na inilunsad ng kagawran.

Maaari aniyang mabigyan ng awtorisasyon ang mga head ng mga private schools na magtakda ng mga petsa kung kailan nito nais na magsimulang magbukas para sa expanded face-to-face classes basta’t nakakasunod aniya ang mga ito sa mga requirements na itinatag ng DepEd at Department of Health (DOH).

Ang importante aniya ay ang makapag-comply ang mga itp sa School Safety Assessment Tool (SSAT) at iba pang mga requirements tulad na lamang ng concurrence ng local government unit (LGU), at consent mula sa mga magulang ng mga mag-aaral na nagnanais na makiisa sa naturang programa.

Binigyang-diin din ni Garma na pinagtibay ng kagawaran ang “progressive expansion” ng face-to-face classes para mapayagan ang mga local school heads na gumawa ng mga kinakailangang pagsasaayos depende sa mga kondisyon.

Sa ngayon ay hindi pa naglalabas ang DepEd ng ispesipikong araw para sa mga paaralan upang simulan ang kanilang pagpapatupad ng implementasyon ng expanded in-person classes dahil sa pabago-bagong Alert Levels sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas ng dahil sa panganib at banta ng pandemyang kinakaharap ng bansa.