
MANILA – Pinaghahandaan na ng Department of Science and Technology (DOST) at National Water Resources Board (NWRB) ang kapasidad ng mga dam kasabay ng pagsisimula ng panahon ng tag-ulan sa Pilipinas.
Nitong Biyernes nang i-deklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na opisyal nang nagsimula ang tag-ulan sa bansa.
Kasunod ito ng pagdaan ni bagyong Dante nitong ikalawang linggo ng Hunyo.
“Tuloy-tuloy ang ating efforts to improve our service in forecasring for the Filipinos to be prepared,” ani Science Sec. Fortunato de la Pena.
“Its not only the typhoons that we are monitoring, (but) also rainfall, and level of dams.”
Ayon sa kalihim, bukod sa pag-upgrade ng mga pasilidad ng PAGASA, patuloy ang kanilang koordinasyon sa ilang ahensya ng pamahalaan at local government units para maalerto ang publiko sa gitna ng malalakas na ulan.
Ang NWRB naman, patuloy umanong pinalalakas ang pag-aaral sa mga datos na nakukuha sa mga Automated Real-Time Monitoring System (ARMS) na nakakabit sa malalaking dam.
Ang ARMS ay proyekto sa ilalim ng ugnayan ng DOST at NWRB. Layunin nito na makakalap ng “hydrological” at “operational paremeters” ng mga dam.
“Itong tungkol sa mga daloy ng tubig sa tamang pagtataya ng sitwasyon para makagawa ng mga kritikal na desisyon sa panahon ng krisis,” ani Dr. Sevillo David Jr., NWRB Executive Director.
Madalas magpakawala ng tubig ang mga dam tuwing napupuno ng tubig dulot ng malalakas na ulan ng bagyo. Nagre-resulta ito sa pagbaha ng ilang mababaw at kalapit na lugar.
Sa ngayon may 11 “sensor loads” na nakakabit sa weather stations ng mga dam ng Ambuklao, Binga, Apunan, Pitikan, Bobok Toyongan, Badayan, San Roque, at Filex.
“Nakakatulong (ang mga ito) sa pag-transmit ng real-time data sa mga users o sa Agno river,” dagdag ni David.