-- Advertisements --

Naglabas na ng warrant of arrest ang Olongapo City Regional Trial Court (RTC) laban kay Allan Dennis Lim Sytin kaugnay ng kasong pagpatay sa kaniyang kapatid na negosyanteng si Dominic Sytin.

Ito’y makaraang makitaan ng basehan ang kaso para litisin si Dennis.

Una rito, pormal na kinasuhan ng murder at frustrared murder ang suspek at dalawang iba pa ng Department of Justice (DoJ).

Maliban kasi sa pagkamatay ni Dominic, nasugatan din sa insidente ang bodyguard ng biktima na si Efren Espartero.

Bukod naman kay Dennis, kinasuhan din ng DoJ panel of prosecutors ng murder at frustrated murder sina Ryan D. Rementilla alyas “Oliver Fuestes” at sa self-confessed gunman na si Edgardo Luib.

Naniwala ang DOJ National Prosecution Service na si Allan Dennis Lim Sytin ang nag-utos sa pagpatay sa ka­patid nitong si Dominic, na may-ari ng Uni­ted Auctioneers Natio­nal noong Nobyembre 28, 2018 sa Subic.

Mariin namang itinanggi ng suspek ang akusasyon na may kinalaman siya sa pagpaslang sa kaniyang sariling kapatid.

Isa sa nakikitang anggulo ng pagpatay ay agawan sa negosyo.