ILOILO CITY – Nakakulong ngayon sa Calinog Municipal Police Station ang kapatid ni Commission on Higher Education (CHED) chair Prospero de Vera na sangkot umano sa “communist terrorist” operations.
Ang arestado ay si Adora Faye de Vera, residente ng Barangay Roosevelt, Tapaz, Capiz at maybahay ni Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) Central Committee member Jessie Lipura.
Si Adora ay staff general command ng CPP-NPA, former Deputy Secretary ng Komiteng Rehiyon-Panay at dating Secretary ng Central Front.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Lt. Col. Arnel Solis, spokesperson ng Police Regional Office 6, sinabi nito na si Adora ay nahaharap sa kasong multiple murder with the use of explosives with multiple frustraded murder at rebellion.
Nahuli ito sa Maalalahanin Street, Teacher’s Village East, Quezon City.
Ayon kay Solis, si de Vera sampu ng kanyang mga kasama ay nasa likod umano ng pag-ambush sa Scount Rangers noong Nobyembre 19, 2005 sa Mambiranan, Calinog, Iloilo na nagresulta sa pagkamatay ng siyam na mga sundalo at ikinasugat ng 20 iba pa.
Kaugnay nito, dumistansya naman si CHED Chair de Vera kasabay ng paglilinaw na 25 taon na silang hindi nagkikita ng kanyang kapatid mula nang sumama ito sa makakaliwang grupo.
Nagpahayag rin ng suporta ang CHED Chair sa administrasyon ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Si Adora ay isang torture victim noong Martial Law era sa ilalim ng rehimen ng ama ni Marcos Jr na si the late President Ferdinand Marcos Sr.
Kasama rin siya sa Martial Law survivors na nagsampa ng historic case laban sa dating diktador sa Federal District Court sang Pennsylvania.
Pinaboran ng US court sina Adora kasama ang siyam na iba pang Martial Law survivors.