-- Advertisements --

(Update) BACOLOD CITY – Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis upang matukoy ang motibo sa pag-ambush-patay sa kapatid ng dating konsehal sa lungsod ng Bacolod kahapon.

Ang biktimang si Roberto “Kaisek” Tan, 70, residente ng Doña Aurora, Barangay Villamonte, Bacolod City ay sakay sa kanyang kotse nang tambangan ng mga suspek na sakay sa motorsiklo sa CL Montelibano, Greens Ville 1, Barangay Estefania.

Mula sa Villa Angeles Subdivision ang biktima at pauwi na sana sa kanilang bahay nang inambus ng mga suspek kung saan bumangga ang kotse nito sa pick up na nakaparada sa tabi ng daan.

Dahil sa driver’s seat ang maraming tama ng bala, kaagad na namatay ang biktima.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Bacolod City Police Office spokesperson Lt. Col. Ariel Pico, hindi pa masasabi kung nauugnay sa iligal na droga si Tan.

Ipinag-utos na rin ni BCPO director Col. Henry Biñas ang malalimang imbestigasyon sa krimen.

Si Roberto Tan ay kapatid ni former Bacolod City Councilor Ricardo “Cano” Tan na inambus noong December 2018 sa Barangay Alangilan ngunit ito ay nakaligtas.

Nitong 2019 elections, hindi na tumakbo sa politika ang konsehal na tinukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte na may kaugnayan sa illegal drug trade.