Umaapela ngayon ng tulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kapatid ng isa sa tatlong Pilipino na inaresto sa China dahil sa umano’y espionage o pagi-ispiya para mapauwi ang mga ito sa Pilipinas.
Ayon sa kapatid na babae ng isa sa Pilipino na tumangging pangalanan, nais ng kanilang pamilya na magtungo sa China para bisitahin ang kanilang kapatid subalit hindi nila alam kung saan ikinulong ang mga ito.
Iginiit din niya na maalam ang kaniyang kapatid sa mga batas na umiiral sa China.
Huli umano nilang nakausap ang kaniyang kapatid noon pang Nobiyembre 2024 na patungo noon sa Wenchang sa China para sa isang job interview.
Matatandaan, nauna ng nilinaw ng National Security Council (NSC) noong nakalipas na linggo na ang 3 inarestong Pilipino ay dating scholars na ipinadala sa Hainan University sa pamamagitan ng imbitasyon mula mismo sa gobyerno ng China para makapag-aral ng libre sa ilalim ng partnership ng probinsiya ng Hainan at Palawan. Nilinaw din ng ahensiya na hindi ispiya ang mg ito at pawang mga ordinaryong mamamayang Pilipino na walang military training.
Ayon naman kay Palawan local government unit provincial information officer Atty. Christian Jay Cojamco, bumalik ang tatlong Pilipino sa China para magtrabaho bilang migrant workers o overseas Filipino workers.