Nakatanggap ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ng reports mula sa Indonesian authorities na tinangka umano ng kapatid ni ex-Bamban Mayor Alice Guo na si Wesley Guo na umalis ng Batam, Indonesia patungong Hong Kong.
Ayon kay PAOCC spokesperson Winston Casio, kanila pang inaantay ang reports mula sa kanilang counterparts sa Hong Kong kung nagtagumpay ang pagtatangka ni Wesley Guo na umalis ng Indonesia.
Sa kaso naman ni Alice Guo, kumpiyansa ang Indonesian authorities na nananatili siya sa loob ng Batam.
Samantala, ibinunyag naman ng opisyal na base sa imbestigasyon ng PAOCC, huling namataan si Alice Guo sa Pilipinas noong Hulyo 14 sa isang private resort sa western tip ng Luzon.
Aniya, nang subukan nilang isilbi ang warrant at mission order laban kay Alice Guo o Guo Hua Ping, ipinaalam ng kanilang source sa lugar kung saan huling namataan ang dating alkalde na nakaalis na ito sa lugar lulan ng 2 speed boats kasama ang ilan sa kaniyang kasamahan sa unang mga oras ng kanilang operasyon.
Una na ngang isiniwalat ng opisyal ang ilan sa mga naging ruta ni Guo sa labas ng bansa kung saan noong July 17 nang umalis ito sa Denpasar, Indonesia at dumating sa Kuala Lumpur, Malaysia noong July 18, 12:05 a.m. gamit ang kaniyang Philippine passport. Noong July 21, umalis siya sa Kuala Lumpur patungong Singapore at noong Aug. 18 umalis ng Singapore saka bumiyahe patungong Batam, Indonesia sa pamamagitan ng ferry boat.