-- Advertisements --

KALIBO, Aklan -Pinaniniwalaang matagal na alitan ang naging ugat upang pagsasaksakin hanggang sa mapatay ang isang 26-anyos na lalaki ng kapatid sa ina habang nag-iinuman ang mag-utol sa Barangay Tambuan, Malinao, Aklan.

Patay na nang makarating sa Aklan Provincial Hospital ang biktimang si Carlo Igcas samantalang ang suspek na ngayon ay nakakulong sa Malinao PNP detention cell ay nakilalang si John Brian Albaceno, 43, kapwa magsasaka ng naturang barangay.

Ayon kay PSMSgt. Josefino Baldomero ng Malinao Police Station, habang nag-iinuman ang dalawa kasama ang iba pang kapatid nang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa at naungkat ang mga dati nilang sama ng loob hanggang sa mangyari ang krimen.

Tumakas ang suspek subalit kalaunan ay sumuko sa kanilang punong barangay na siya namang nagdala sa kanya sa himpilan ng pulisya.

Nahaharap sa kasong homicide ang suspek.