CAGAYAN DE ORO CITY – Walang naitala na anumang aberya o masamang pangyayari na naka-apekto sa isinagawa na kapistahan ng Itim na Nazareno sa Cagayan de Oro City nitong taon.
Base ito sa inilabas na assessment ng Police Regional Office 10 na nagpadala ng karagdagang puwersa para palakasin ang Cagayan de Oro City Police Office kasama ang ibang government counterparts na nasa frontline ng pagbibigay seguridad sa translacion ng Poon na dinaluhan ng mahigit-kumulang 13,000 deboto.
Sinabi ni PRO 10 Director Brig Gen Jaysen De Guzman na bagamat walang naiulat o kaya’y natanggap na anumang banta pang-seguridad subalit tinodo na ng Camp Alagar ang pagpapadala ng dagdag-puwersa upang hindi malusutan ng posbileng mga pananabotahe.
Magugunitang nag-deploy pa ang Philippine National Police ng kanilang snippers na naka-posisyon sa ilang high rise buildings habang ipinapatupad ang signal jamming para matiyak na ligtas ang kabuuang aktibidad nitong araw.
Napag-alaman na mas bumaba ang mga deboto na dumalo nitong taon kumapra sa higit 17,000 sa nagdaang piyesta ng Poon sa syudad sa 2024.