CAUAYAN CITY – Dinakip ang 6 na opisyal ng barangay Antagan 1st , Tumauini, Isabela at dalawang iba pa na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.
Ang mga inaresto ay sina Barangay Kapitan Juanito Rapadas, 49 anyos at mga barangay kagawad na sina Marcial Macabadbad, 38-anyos; Evelyn Simeon, 48 anyos; Maryglo Mirrales, 42 anyos; Joseph Pascual, 43 anyos; Joel Forto, 44 anyos; Enrique Forto, 52 anyos at dalawang nagngangalang Rosemary Beterbo, at Rolando Galicia, pawang residente ng Antagan First, Tumauini, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMajor Eugenio Malillin, hepe ng Tumauini Police Station, sinabi niya na ang pagkakahuli ng mga opisyal ng barangay ay dahil na rin sa reklamo ng isang residente ng nasabing barangay tungkol sa pagkalunod at pagkamatay ng kanyang anak.
Aniya, inireklamo niya ang lahat ang mga nangangasiwa sa Magoli river kung saan nalunod ang kanyang anak .
Ayon umano sa nagreklamo may kapabayaan ang mga opisyal na na huli kung saan sila rin ang namamahala sa nasabing lugar.
Kaagad nakalaya pansamantala ang mga opisyal ng barangay at dalawang iba pa makaraang maglagak ng piyansang tig P30,000.00.