-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Nahaharap sa patung-patong na mga kaso ang isang kapitan sa Palapag, Northern Samar dahil sa pambubugbog sa mga constituents nito.

Viral sa social media ang video nang pambubugbog ni Lito Orio, kapitan ng Barangay Binay, Palapag kung saan makikita ang pagbunot pa nito ng baril.

Ayon kay Police Lt. Neil Fernandez, Hepe ng Palapag Police Station, nag-ugat ang naturang insidente sa problema sa Social Amelioration Program (SAP).

Napag-alaman na pumunta ang dalawang hindi pinangalanang indibidwal sa kapitan para ireklamo ang hindi pagsali sa kanila sa SAP.

Binugbog daw ng dalawa si Orio, dahilan para umuwi ng bahay ang naturang kapitan upang kumuha ng baril.

Upang makaganti ay sinugod ni Orio ang dalawa at pinagsusuntok din ang mga ito at tinutukan pa ng baril.

Dahil dito, nahaharap sa kasong physical injury at grave threats ang kapitan.

Samantala nakatakda ring sampahan ang dalawang indibidwal na nambugbog kay Orio.