-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso ng pagpapakamatay umano ng barangay chairman salugar kung saan pinatay ng New People’s Army (NPA) ang apat na pulis sa Negros Oriental.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Ayungon Municipal Police chief Maj. Rommel Luga na pesticide ang sanhi ng pagkamatay ni Barangay Mabato Chairman Sunny Caldera.

Batay sa ulat, nakita na lang na nakahandusay at bumubula ang bibig ng kapitan sa bahay ng kanyang tinutuluyan.

Sa ngayon, hindi isinasantabi ng pulisya ang posibilidad na may kinalaman ang pag-suicide ni Caldera sa pagkamatay ng apat ng pulis sa engkuwentro ng NPA sa kanyang barangay.

Kamakailan kasi nang sabihin ni Police Regional Office-7 director police B/Gen. Debold Salinas na titingnan nila kung may pagkukulang ang punong barangay sa insidente.

Ayon naman kay Luga, posibleng na-pressure ang barangay captain sa kritisismong natanggap nito sa social media matapos ang bakbakan.