-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY- Wala pang lead ang pulisya sa motibo at pagkakakilanlan ng riding-in tandem suspects na bumaril patay sa isang Barangay Chairman sa bayan ng Tuao, Cagayan.

Sinabi ni PMaj. Reymund Asistores, hepe ng PNP Tuao, sa kanilang paunang imbestigasyon, lulan ng kanyang sasakyan si Remegio Dela Cruz, 60, ng Barangay Bugnay at papunta sana sa Tuao West para sa isang pulong, umaga ng September 13.

Hindi pa man nakakalayo sa kanyang bahay ay dalawang salarin na sakay ng motorsiklo ang lumapit at pinagbabaril ang kapitan, gamit ang calibre. 45.

Dead on arrival sa pagamutan ang kapitan dahil sa tama ng bala ng baril sa kanyang batok.

Narekober sa crime scene ang limang basyo ng bala ng cal.45 pistol at tatlong slug nito habang patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya.

Ito na ang ikalawang insidente ngayong taon na naging biktima ng pamamaril patay ang isang Barangay Kapitan sa bayan ng Tuao.

Magugunita na noong Mayo 27, 2019 ng hapon ay binaril patay si Orlino Gannaban, 52, punong barangay ng Lallayug habang nakaupo sa kanyang motorsiklo at naghihintay sa kanyang kasama na si Barangay tanod Espidio Zingabo.

Sugatan naman si Zingabo na nadamay sa pamamaril.