Boluntaryong sumuko sa National Bureau of Investigation sa pamamagitan ng Senado si Merlie Joy Castro, isa sa mga kapwa akusado ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo sa kasong qualified human trafficking na nagsasabi ding biktima ng identity theft.
Matatandaan na unang humarap si Castro sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa mga ilegal na POGO noong Hunyo.
Sa pagsuko ni Castro nitong Martes, nagpahayag siya ng pagkabahala sa kinabukasan ng kanyang mga anak dahil napilitan siyang harapin ang kasong isinampa laban sa kanya nang wala naman umano siyang kinalaman.
Itinanggi rin ni Castro na siya ay isang co-incorporator ng Hongsheng Gaming Technology Inc., ang POGO hub sa Bamban, Tarlac na sinalakay ng mga awtoridad.
Iginiit niya na hindi siya kailanman pumirma ng anumang dokumento na may kaugnayan sa Hongsheng at hindi kailanman pumunta sa POGO hub sa Bamban. Ito ang dahilan kayat kusa siyang humarap para linisin ang kaniyang pangalan at patunayang biktima siya.
Samantala, nagpasalamat naman si Senator Risa Hontiveros, na namumuno sa imbestigasyon ng Senado, sa pagsuko ni Castro.