LEGAZPI CITY – Nilinaw ngayon ng Legazpi City Jail na hindi pa sigurado kung papayagan ring makapag piyansa an mga kapwa akusado ni dating Daraga Mayor Carlwyn Baldo.
Ito matapos maglagak ng P8.7 million na piyansa ang dating alkalde kahapon subalit bigo pa ring makalabas ng kulungan dahil sa umanoy pending motion for reconsideration na inihain ng prosecution team.
Ayon kay Legazpi City jail warden Atty. Rodolfo Verzosa sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nasa hiwalay na selda rin ngayon ang mga itinuturong suspek sa pagbaril kay dating Partylist Rep. Rodel Batocabe.
Sa kasalukuyan ayon sa opisyal, hinihintay na lamang nilang dalhin ng korte ang release order ng dating opisyal upang maihanda na ang certificate of discharge nito.
Dagdag pa ni Mendoza na oras na mapirmahan na ng lahat ng signatories ang certificate of discharge ni Baldo, malaya na itong makakalabas sa compound ng Legazpi City jail.
Samantala, matiyaga namang naghintay sa piitan ang pamilya ni Baldo kasama ang abogado nitong si Atty. Merito Lewinsky Fernandez.