-- Advertisements --

Inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang 4,000 karagdagang posisyon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Ang libo-libong bagong posisyon ay binubuo ng 819 PCG officers at 3,181 non-officers.

Dahil sa dagdag na apat na libong bagong posisyon, magkakaroon na ang PCG ng kabuuang 34,430 personnel at officials mula sa kasalukuyang tatlumpong libo.

Sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na ang karagdagang mga personnel ay upang mapalakas pa ang operational capability ng PCG, sa tulong ng mas maraming manpower.

Kinabibilangan ‘to ng mas maayos na maritime safety administration, marine environmental protection, maritime security and law enforcement at maritime search and rescue.

Umaasa rin ang DBM na ang karagdagang 4,000 personnel ng PCG ay magpapalakas pa sa ginagawa nitong monitoring at pagpanatili ng kapayapaan sa West Philippine Sea (WPS).

Una nang humiling ang PCG ng karagdagang personnel bilang bahagi ng 2024 target nito sa ilalim ng pitong taong recruitment plan.

Sa ilalim ng naturang plano, inaasahang aabot na sa 37,869 ang kabuuang manpower ng PCG pagsapit ng 2026.