Inaasahang darating sa bansa ang karagdagan pang 14.89 million doses ng COVID-19 vaccines bago matapos ang buwan ng Setyembre kasunod na rin ng planong pagbabakuna sa mga kabataan na edad 12 hanggang 17-anyos sa bansa laban sa coronavirus.
Ayon kay NTF chief implementer at vaccine czar Carlito Galvez Jr ang bulto ng karagdagang suplay ng vaccines na inaasahang matatanggap ng bansa ay ang Pfizer at Moderna mula Amerika.
Mapapataas pa nito ang vaccination program ng bansa habang inihahanda na ang guidelines para sa rollout ng COVID vaccines para sa mga menor de edad at sa general public alinsunod sa approval ng vaccine expert panel ng bansa.
Nasa 4.3 million doses ng Pfizer vaccine para sa unang tranche at 5.6 million naman para sa ikalawang tranche ang ide-deliver sa bansa.
Samantala, inaayos na rin ang schedule para sa shipment ng procured Moderna vaccine ng Pilipinas na 4.7 million doses kung saan nakatakda naman dumating ngayong linggo ang initial shipment ng biniling Moderna vaccines na nasa 1.2 million doses at 961,000 doses naman ang darating sa bansa ngayong araw, Setyembre 16.
Sinabi ni Galvez, base sa napagkasunduang suplay ng Moderna ang bulto ng bakuna ay inaasahang darating sa bansa sa ikaapat na quarter ng taon.
Maliban pa dito, bumili din ng karagdagang 40 million doses ng Pfizer at nakatakdang dumating ngayong buwan ang nasa five million doses.
Nagpaalala naman si Galvez sa mga LGUs sa pagdting ng mga suplay ng highly sensitive vaccines na tiyaking nakahanda para sa pagtanggap ng mga alokasyong bakuna.
Patuloy din naman ang pakikipagnegosasyon ng NTF sa ibang mga manufacturers para mapataas pa ang monthly deliveries ng 25 hanggang 30 million doses ng COVID-19 vaccine.
Para sa buwan ng Setyembre, nasa kabuuang 34 million COVID-19 vaccine doses ang inaasahang darating sa bansa kabilang ang two million doses ng Sinovac, 10 million doses ng Pfizer-BioNTech mula COVAX facility, five million doses ng government-procured Pfizer, four million doses mula sa government at private sector-procured Moderna, one million doses ng Sputnik Light, one million doses ng private sector at LGU-procured Astrazeneca, at one million doses na donasyon ng partner country ng Pilipinas. (with reports from Bombo Everly Rico)