TACLOBAN CITY – Kasabay ng ika-anim na anibersaryo ng pagtama nga bagyong Yolanda ngayon araw, magkakaroon ng ground breaking ceremony para sa itatayong karagdagang mga housing units para sa mga “Yolanda” survivors sa Barangay Maribi, Tanauan, Leyte.
Ayon kay Tanauan Mayor Pel Tecson, ang nasabing aktibidad ay pangungunahan ni Senator Bong Go at Leyte Governor Leopoldo Dominico Petilla kasama na ang NHA General Manager Marcelino Escalada Jr.
Ang mahigit sa 500 na mga pabahay na itatayo ng National Housing Authority ay para sa mga informal settlers at mga vulnerable sectors sa bayan ng Tanauan na biktima rin ng paghagupit ng bagyong Yolanda noong 2013.
Ayon pa sa alkalde, personal niyang hiniling sa senador na bigyan ang kanilang bayan ng karagdagang mga housing units para sa mga natitirang mga Yolanda survivors na wala pang tahanan kaya’t ganon na lang ang kanyang pasasalamat.
Maalala na isa rin ang bayan ng Tanauan sa Leyte sa mga lugar na nagtamo ng matinding pinsala dulot ng hagupit ng bagyong Yolanda.