Animnapu’t dalawang barangay pa sa Central Visayas ang idineklarang drug-cleared kasunod ng isinagawang deliberasyon kamakailan ng Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing (ROCBDC).
Nagsagawa ang komite ng pinaghalong online at face-to-face deliberation mula Mayo 29 hanggang 30.
Dito ay tinalakay ang masusing validation ng mga documentary requirements at ang status ng drug situation sa mga aplikanteng barangay.
Matapos ang validation sa Philippine Drug Enforcement Agency-Central Visayas (PDEA-7) headquarters sa Barangay Lahug , ipinagkaloob ng Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing ang drug-cleared status sa 19 na barangay sa lalawigan ng Cebu, 15 sa Bohol, 22 sa Negros Oriental, at anim sa Cebu City.
Sa ikalawang araw ng validation, na-validate din ng komite, sa pangunguna ng chairman nitong si PDEA 7 Regional Director Emerson L. Margate, ang 46 na barangay na dati nang idineklara bilang drug-cleared.
Ang 46 na barangay ay sinuri na nakapagpanatili ng kanilang drug-cleared status at nabigyan ng mga resolusyon para sa pagpapanatili ng kanilang katayuan.
Sa 46 na validated barangays, isa ay mula sa Bogo City, Cebu, 26 mula sa Siquijor, at 19 mula sa Cebu City.
Ang ROCBDC ay nagdeklara ng 1,806 na drug-cleared barangay at 116 na drug-free barangay mula sa 3,003 barangay sa rehiyon.
Ang deklarasyon ng mga drug-cleared barangay at validation ng mga barangay na dati nang idineklara bilang drug-cleared ay nasa ilalim ng Barangay Drug Clearing Program (BDCP), alinsunod sa DDB Regulation No. 4, Series of 2021.
Inilarawan ng PDEA-7 ang BDCP bilang isang holistic na anti-illegal drug strategy na naglalayong bawasan ang epekto ng droga sa bansa.