-- Advertisements --

Magsisilbing associate counsel ng defense team ni dating Pang. Rodrigo Duterte ang bagong abogadong naidagdag sa naturang grupo.

Kahapon, Abril 8, nang ilabas ng International Criminal Court (ICC) isang court filing na nagpapakitang kinuha ng defense team ang batikang abogado na si Dov Jacobs.

Si Jacobs ay isang accredited ICC lawyer, at eksperto sa international law at international criminal law.

Siya ay naging bahagi ng defense team ng dating presidente ng Ivory Coast na si Pres. Laurent Gbagbo na dati ring naharap sa kasong crimes against humanity ngunit kinalaunan ay na-aquit sa Trial and Appeals Chamber ng ICC.

Bahagi rin siya ng defense team ni Mahamat Said Abdel Kani, isang dating general mula sa Central African Republic na nahaharap sa iba’t-ibang kaso tulad ng war crimes at crimes against humanity sa international tribunal.

Si Jacobs ay nagsisilbing assistant professor ng public international law sa Netherlands at nagtuturo rin sa ilang unibersidad sa France.

Hawak niya ang ilang degree mula sa King’s College sa London, Paris I Panthéon-Sorbonne, Paris II Panthéon Assas, Sciences Po sa Paris, at isang doctorate mula sa European University Institute sa Florence, Italy.

Bago pa siya naging bahagi ng defense team ng dating pangulo, una na siyang naglabas ng saloobin ukol sa naging pag-aresto kay Duterte.

Kabilang sa kaniyang pinuna ay ang hindi umano pagkaka-respeto sa karapatan ng dating pangulo sa ilalim ng Article 59 ng Rome Statute tulad ng pagkakadala niya sa isang domestic court, bago siya inilipad papuntang The Hague at tuluyang ipinasok sa detention facility ng international court.