-- Advertisements --
Romeo Brawner PMA
Romeo Brawner PMA

BAGUIO CITY – Iminungkahi ng bagong commandant of cadets ng Philippine Military Academy (PMA) ang pag-install o pagkabit ng mga karagdagang closed circuit television (CCTV) cameras sa loob ng akademya.

Ayon kay PMA Commandant of Cadets Brig. Gen. Romeo Brawner Jr., para ito sa karagdagang proteksiyon ng mga kadete kasunod ng nangyaring pag-hazing na nagresulta sa pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.

Aniya, maliban sa mga kasalukuyang CCTV cameras sa loob ng akademya ay may mga blind spots na kailangan pa ring mabantayan.

Partikular na sinabi niyang malalagyan ng karagdagang CCTV cameras ang cadet barracks at iba pang bahagi o lugar sa PMA.

Ani Brawner, kasama pa sa mga blind spots sa akademya ang mga gilid o pasamano ng mga gusali doon na minsan ay ginagamit ng mga kadete bilang escape route.

Una nang inamin ni resigned PMA superintendent Lt. Gen. Ronnie Evangelista na limitado ang pagmonitor nila sa personal safety ng bawat isa sa mga kadete.

Dahil dito sinabi ni Brawner na tinitingnan ngayon ng pamunuan ng PMA ang posibleng pagdaragdag pa ng mga tactical officers na magbabantay sa mga kadete lalo na at sa ngayon ay dalawa lang na tactical officers ang nakabantay sa mga kadete na binubuo ng 100 kadete bawat company.

Aniya, sa pamamagitan nito ay maipapasiguradong anumang oras ay may mga tactical officers na nagpapatrolya sa mga barracks ng mga kadete at may mga nangangasiwa sa mga aktibidad ng mga ito.