Umaasa ang Department of Justice (DoJ) panel na tatalima ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa ibinigay na deadline para isumite ang mga karagdagang dokumento sa sedition case na isinampa nila laban kina Vice President Leni Robredo kaugnay ng “Project Sodoma” na nag-uugnay sa Pangulong Rodrigo Duterte sa illegal drug trade.
Una nang sinabi ng DoJ na nais agad nilang masimulan ang imbestigasyon sa reklamo pero kulang pa ang mga dokumentong isinumite ng PNP-CIDG.
Partikular dito ang address ng mga respondent sa kaso.
Kahapon, binigyan ng DoJ ng 24 oras na palugit ang CIDG para isumite ang naturang mga dokumento.
Una rito, sinabi ng DoJ Spokesman Atty.Markk Perete, hindi magawang makapagpadala ng panel ng subpoena sa mga pinangalanang respondents dahil kulang-kulang ang mga address ng mga ito.
Noong isang linggo, nauna nang ipinag-utos ng DoJ ang pagbuo ng isang special panel of prosecutors na tututok sa paghawak sa imbestigasyon sa kaso laban kina Robredo, dating Sen. Antonio Trillanes, Sen. Risa Hontiveros, Sen. Leila De Lima, ilang mga nasa simbahan at ilan pang mga taga-oposisyon.
Mariin naman itong itinanggi ng mga respondents sa kaso.
Binubuo ang naturang special panel nina Senior Assistant State Prosecutor Olivia Torrevilias, Assistant State Prosecutor Michael Humarang at Assistante State Prosecutor Gino Paolo Santiago.