Karagdagang mahigit 600 na bagong kaso ng Delta variant ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang naitala sa bansa.
Ayon sa Department of Health (DoH), kabuuang 640 additional cases nang mas nakakahawang Delta coronavirus variant ang naitala ngayong araw.
Dahil dito, nasa 2,708 na ang total cases ng Delta variant sa bansa.
Sa karagdagang 640 Delta variant cases, 584 ang local cases, 52 ang Returning Overseas Filipinos (ROF).
Apat naman sa kabuuang bilang ang patuloy na biniberipika kung ito ay local o ROF cases.
Sa 584 local cases, 112 ang naitala sa National Capital Region (NCR), 52 sa Cagayan Valley, at 49 sa Calabarzon.
Dalawang kaso raw sa mga nadapuan ng naturang variant ay taga Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Samantala, maliban sa Delta cases, karagdagang 28 naman ang naitalang Beta variant cases, 24 Alpha variant cases at limang P.3 variant cases.
Sa 24 Alpha variant cases, 23 ang local cases at isa ang ROF.
Base naman sa case list, isa na ang namatay habang 23 na ang nakarekober.
Ang total Alpha variant cases sa ngayon ay 2,448.
Sa 28 Beta variant cases naman, lahat ng mga ito ay local cases at nakarekober na.
Sa ngayon ang total Beta variant cases ay 2,725.
Nakarober naman ang limang tinamaan ng P.3 variant cases at ang lahat ng mga ito ay local cases.