Umabot na sa tatlo ang kabuuang kasong libelo na isinampa ni Executive Sec. Salvador Medialdea laban sa kolumnista at Special Envoy to China Ramon Tulfo.
Kaugnay pa rin ito sa umano’y mapanirang banat ni Tulfo laban sa executive secretary sa mga nakalipas niyang artikulo sa pahayagang Manila Times.
Isinampa ni Medialdela ang isa pang libel case kasama ang kanyang abogadong si Atty. Elvis Balayan sa Manila Prosecutor’s Office.
Nag-ugat ang kaso laban sa kolumnista sa artikulo nito noong July 25 at August 1 na umaatake sa kridebilidad daw at pagkatao ni Medialdea.
Una rito, naghain din si Medialdea ng dalawang bilang ng reklamong libelo na paglabag sa ilalim ng Revised Penal Code at dalawang ulit na reklamong cyber libel na paglabag umano ni Tulfo sa ilalim ng Republic Act 10175.
Kasama sa reklamo nito ang mga opisyal ng The Manila Times na sina Dante Ang, President at Chief Executive Officer ng pahayagan; Blanca Mercado, Chief Operating Officer; Nerilyn Tenorio, Publisher-Editor, Leena Chuna, News Editor at Lynette Luna, National Editor.
Humihingi si Medialdea ng P80 million para sa moral damages at P60 million para sa exemplary damages.