-- Advertisements --

Nagpadala ng karagdagan pang 3,000 sundalo ang North Korea sa Russia noong Enero at Pebrero base sa panibagong assessment report mula sa South Korean military.

Ito ay sa gitna ng patuloy na pagbibigay ng suporta ng North Korea kay Russian President Vladimir Putin sa laban nito sa Ukraine.

Maliban dito, kinumpirma ng Joint Chiefs of Staff ng SoKor na nagpapadala ang NoKor ng karagdagang missiles, artillery equipments at ammunition para matulungan ang Russia at para mapataas pa ang mga suplay na armas nito para sa kanilang pagdepensa sa kanilang bansa.

Kabilang sa mga military equipment na ipinadala ng NoKor sa Russia ay ang malaking bilang ng short-range ballistic missiles, 170 millimeter self-propelled howitzers at 220 units ng 240 millimeter multiple rocket launcher.

Ginawa naman ang hakbang na ito ng NoKor sa gitna ng akusasyon sa pagitan ng Russia at Ukraine ng paglabag sa kamakailang ceasefire.

Inilabas ang naturang report ng South Korean military matapos na magpahayag ng hindi natitinag na suporta si North Korean leader Kim Jong-un sa giyera ng Russia laban sa Ukraine.