-- Advertisements --
philhealth 1

Inihain ni Senator Christopher “Bong” Go ang iminungkahing free dialysis act of 2022 dahil alam aniya ng mambabatas ang pangangailangang i-institutionalize ang probisyon para paigtingin ang libreng dialysis package para sa lahat ng Pilipino.

Ang PhilHealth, sa konsultasyon sa Health Technology Assessment Council, ay bubuo ng naturang package para sakupin ang lahat ng hemodialysis at peritoneal dialysis treatments, sessions at procedures na ginawa sa PhilHealth accredited-health facilities.

Noong nakaraang taon, bilang tagapangulo si Go ng senate health committee matagumpay aniyang naisulong ang isang espesyal na probisyon para magamit ang karagdagang P21 bilyon sa ilalim ng 2023 national budget para umano sa pagpapaigting ng iba’t ibang PhilHealth packages, kabilang ang expanded dialysis package na ipinapatupad ngayon ng PhilHealth.

Ang bill, ayon pa sa mambabatas, ay naglalayong taasan ang garantisadong minimum na bilang ng mga sesyon ng dialysis na ibibigay.

Bukod dito, inaatasan din nito ang PhilHealth na mas mahigpit na suriin ang mga claim para sa libreng dialysis upang mabawasan, kung hindi man matanggal ang mga bogus claims.

Kaya naman, paalala ni Go sa PhilHealth na maging mas mabusisi anila sa pagpapatupad ng expanded package dahil ayaw nito na manakaw ang pera ng taumbayan dahil lang sa mga pekeng claims.

At para mas matulungan pa kung sakaling merong naiwang gastusin ang pasyente, meron aniyang 154 malasakit centers to far, mula Batanes hanggang Tawi-Tawi, na handang tumulong at magbigay ng medical assistance sa mga mahihirap na mga Pinoy at makapagbigay suporta sa kanila sa sesyon at gamutan.

Nag-renew din ng ilang apela ang ilang mambabatas sa PhilHealth na ipagpatuloy ang pagbibigay ng libreng dialysis sessions, at idinagdag na ang bawat pasyente ay nangangailangan ng hindi bababa sa 156 dialysis para sa kumpletong gamutan sa loob ng isang taon o P12,000 na lingguhang gastos.

Hinimok ng ilang mambabatas ang kagawaran ng kalusugan na paigtingin pa ang health promotion at disease prevention, kabilang ang maagang pagtuklas ng mga posibleng problema sa bato sa mga bata.