Humiling ang Department of Health ng karagdagang P27 billion para sa pagbibigay ng health emergency allowance (HEA) para sa mga medical workers.
Sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na nakikipag-usap na sila sa Department of Budget and Management (DBM) at iba pang government agencies para sa dagdag na pondo.
Ito ay upang maisama ang nalalabing buwan ng taon na hindi sakop para sa health emergency allowance.
Nakasaad kasi sa ilalim ng Republic Act 11712 o ang Public Health Emergency Benefits and Allowances for Health Care Workers Act na entitled ang mga health workers na makatanggap ng kanilang health emergency allowance na dating One Covid Allowance sa kada buwang serbisyo sa gitna ng public health emergency sa bansa base sa kanilang risk of exposure.
Kung saan ang mga nasa low risk na mga health workers ay makakatanggap ng P3,000 kada buwan, para naman sa mga nasa kategorya ng medium risk ay makakatanggap ng P6,000 at P9,000 naman para sa mga health workers na may high risk exposure.
Umaasa naman ang DOH na bago mag-Pasko ay maibigay na ito para sa mga health workers.
Sa datos noong Oktubre ng kasalukuyang taon, nasa P11.5 billion ang natanggap ng Health department para sa health emergency allowance ng mahigit 1.6 million health workers sakop ang period mula noong Enero hanggang Hunyo 2022.