CAUAYAN CITY- Pinaghahandaan na ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA ang mga bayarin sa pagdating ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na umuuwi sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni OWWA Administrator Atty. Hans Leo Cacdac na bagamat mayroong pondo na 6.2 bilyon pesos ang OWWA para sa taong 2021 ay kulang pa rin dahil sa pagbabago ng quarantine protocol sa mga dumarating na OFWs na ginawa ng pito hanggang siyam na araw.
Dahil dito, humiling na sila sa Department of Budget and Management (DBM) ng karagdagang pondo para mabayaran ang kanilang mga bayarin.
Sa ngayon ay mayroon pa silang halos Php400 million na kailangang bayaran para sa hotel, pagkain at transportasyon ng mga OFWs na dumarating at maari pang umabot sa isang Php 1 billion piso sa darating na buwan ng Mayo.
Sa kabuoan ay may nabayaran na silang 5 billion pesos ngayong taon habang noong nakaraang taon ay 7.2 billion pesos.
Ayon sa kanya, kailangan nilang agahan ang paghingi ng karagdagang pondo para alam ng pamahalaan na kailangan nila ito sa buwan ng Mayo at mapaghandaan.