Lalo pang nadagdagan ang mga witness laban sa mga indibidwal na umano’y sangkot sa POGO operations na kinabibilangan ni suspended Mayor Alice Guo.
Ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), apat na karagdagang witness ang naglahad ng kanilang testimonya, daan upang makapaghain pa ang komisyon kasama ang Criminal Investigation and Detection Group, ng supplemental complaint laban kina Alice Guo at 13 iba pa na umano’y kanyang kasamahan sa pagpapatakbo ng sinalakay na POGO hub sa Bamban.
Ayon kay PAOCC spokesman Winston Casio, idinetalye umano ng apat na witness na sila at nadetine sa loob ng sinalakay na Bamban hub.
Binibigyan lamang umano sila ng isang araw para makalabas at ito pa ay dagdag na deduction sa kanilang sahod.
Maliban s apat na bagong witness, isa pang Pinoy na dating respondent sa kaso ang naidagdag sa kanilang mga magsisilbing testigo.
Ang naturang Pinoy ay dati umanong nauugnay sa management ng Zun Yuan Technology, Hongsheng, and Baofu Land Development ngunit dahil sa kulang na ebidensiya laban sa kanya ay maaari na itong kunin bilang testigo.
Samantala, mayroong hanggang August 6 ang mga respondents na kinabibilangan ng suspendidong alkalde, upang ihain ang kanilang counter affidavit sa kasong nauna nang inihain sa kanila.
Ang mga ito ay nahaharap sa human trafficking charges matapos matuklasan ang maraming mga Pinoy at iba pang dayuhan na umano’y pinilit magtrabaho sa loob ng POGO hub at pinaparusahan kung ayaw magtrabaho.