Nakatakdang isama bilang election offense ang karahasan laban sa mga mamamahayag.
Kaugnay nito, ayon kay Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), nakatakda itong lumagda sa isang memorandum of agreement kasama ang Commission on Elections (Comelec) sa susunod na linggo.
Sa ilalim kasi ng Omnibus Election Code, walang nakasaad na partikular na panuntunan kaugnay sa pagtrato ng isang kandidato sa media.
Kayat ayon kay PTFoMS Executive Director Paul Gutierrez, nagagalak ito na buo ang suporta ni Comelec Chairman Goerge Garcia sa pagnanais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lumikha ng isang ligtas na environment para sa mga mamamahayag sa bansa lalo na sa nalalapit na 2025 midterm elections.
Hiniling din ng task force sa Comelec na maging parte ito ng media safety summits sa hinaharap.
Sinabi din ni Gutierrez na maituturing ang naturang MOA bilang isang inisyatibo na magpapaabot ng isang matapang na mensahe sa publiko at international community na committed ang Pilipinas sa pagprotekta sa kalayaan sa pamamahayag.