KORONADAL CITY – Nagpapatuloy pa rin sa ngayon ang imbestigasyon ng Isulan PNP sa nangyaring pagkarambola ng tatlong mga sasakyan sa bahagi ng Mapandi Bridge, boundary ng Isulan at Esperanza, Sultan Kudarat.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Lt. Col. Junie Buenacosa, hepe ng Isulan PNP, ang nasabing aksidente ay kinasasangkutan ng isang delivery wing van na minamaneho ni Milo Cabuhay ng Norala, South Cotabato, isang forward truck na may kargang African palm fruits na minamaneho ni Rene Aporada at ang Bongo passenger vehicle na minamaneho ng isang Andal Kalim Usop.
Napag-alaman na nagkaproblema umano ang steering wheel ng delivery van na naging dahilan upang mawalan ito ng kontrol at sumalpok sa kasalubong na forward truck.
Sumunod ding sumalpok sa likurang bahagi ng forward truck ang nakasunod na pampasaherong Bongo.
Dead on the spot ang driver ng truck na si Aporada habang sugatan naman sina Usop at Cabuhay, inaalam din kung may mga sugatan ding pasahero ang Bongo.