-- Advertisements --

Nakauwi na sa kani-kanilang tahanan ang karamihan sa 96 na mga residente ng Navotas City na isinugod sa ospital matapos ang pagtagas ng ammonia sa isang ice plant sa lungsod.

Ayon kay Navotas City Disaster Risk Reduction and Management officer Vonne Villanueva, 67 na ang na-discharge na sa ospital makaraang bumuti na ang kanilang kondisyon.

Paglalahad pa ni Villanueva, 22 ang nananatiling nasa ospital kung saan lima ang nasa kritikal na kondisyon.

Sinabi naman ni Navotas City Mayor Toby Tiangco, ang nag-iisang patay sa nangyaring insidente ay kinilalang si Gilbert Naval Tiangco, 44-anyos, empleyado ng TP Marcelo Ice Plant and Cold Storage kung saan nangyari ang chemical leak.

Inihayag ni Tiangco na nagsimula na ring magsiuwian ang lumikas na mga residente ng Barangay NBBS Proper na nakatira malapit sa planta, na tinatayang nasa 5,000 katao.

Sa ngayon, ipinag-utos na ng alkalde ang pagpapasara sa naturang ice plant, na pag-aari ng pamilya ng kanyang ina.

Aniya, hindi raw bubuksang muli ang ice plant hangga’t walang kasiguraduhan na ligtas na sa nasabing area.

Tiniyak naman ni Tiangco na mayroong maparurusahan sakaling mapatunayan na may pagkukulang sa panig ng nabanggit na pasilidad.

Ayon sa mga health experts, delikado ang paglanghap ng mataas na lebel ng ammonia, dahil maaari itong magdulot ng organ failure, brain damage, at puwede ring ma-comatose o mamatay kapag may prolonged exposure.