Karamihan sa mga police personnel na infected ng Covid-19 virus ay mga asymptomatic.
Ito ay sa kabila ng patuloy na pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID 19 sa hanay ng Pambansang Pulisya.
Ayon kay PNP Chief Police General Dionardo Carlos sa gitna ng pagkapuno ng kanilang mga quarantine facilities sa Camp Crame, marami ang walang sintomas.
Sinabi ni Carlos, dahil asymptomatic naman, pinapayagan nilang sa bahay na lang mag-quarantine ang kanilang mga tauhan ng lima hanggang pitong araw.
Pagkatapos nito ay isasailalim nila muli sa RT-PCR test ang mga nagkasakit.
Paliwanag ni Carlos, patuloy ang paggawa nila ng paraan para matugunan ang dumaraming kaso ng COVID 19 sa PNP.
Kasama na rito ang pagdagdag ng halos 200 bed facilities sa kanilang training school at badminton court para naman sa mga may sintomas na pasyente.
Sa ngayon, nasa halos 4,000 ang aktibong kaso ng COVID cases sa PNP at patuloy pang nadaragdagan.
Samantala, sinabi ng PNP Chief na balik na sya sa kanyang duty matapos makarekober sa COVID 19.