PASAY CITY – Siniguro ng Philippine South East Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) na mayayari ang halos lahat ng mga venues para sa SEA Games sa darating na Nobyembe hanggang Disyembre.
Sa media conference sa lungsod ng Pasay, sinabi ni PHISGOC chief operating officer Ramon Suzara, karamihan sa naturang venues ay nangangailangan na lamang ng kaunting renovation o refurbishment.
Ayon pa kay Suzara, itinakda nila sa Oktubre 31 ang deadline para maisaayos nang tuluyan ang mga venues upang magamit na ito ng mga atleta ilang linggo bago magsimula ang regional sports meet sa Nobyembre 30.
“Renovation is ongoing. We are meeting a deadline at October 31 so that we can have the whole month of November, about 15 days to do some testing,” wika ni Suzara.
Nitong nakaraang linggo, inihayag ni Bases Conversion and Development Authority (BCDA) President Vince Dizon na 90% nang kumpleto ang Aquatic Center na itinatayo sa New Clark City sa bayan ng Capas, Tarlac.
Tiniyak din ng construction firm na MTD Philippines na matatapos ang pagtatayo sa mga venues sa New Clark City sa darating na Agosto 31.
Samantala, sinabi rin ni Suzara na patuloy ang kanilang koordinasyon sa mga otoridad para sa mapayapang hosting ng bansa ng SEA Games.
Paglalahad ng opisyal, nagpapatuloy ang kanilang pakikipagpulong sa AFP at PNP para sa ilalatag na seguridad sa palaro.
Kagaya rin ng mga nakaraang SEA Games, mahigpit aniya ang gagawing pagbabantay ng mga security forces lalo pa’t may ilang miyembro ng mga royal families ng ibang bansa ang inaasahang lalahok sa nabangit na regional sports meet.