Tinukoy ni House Appropriations Committee Vice-Chairman at Ako Bicol partylist Rep. Jil Bongalon na ilan sa mga biktima ni Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy ang nasa ilalim na ng Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ).
Sa pagtatanong ni Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas, kaugnay ng paghimay ng proposed budget ng DOJ, isa sa naging punto ng tanong ang tungkol sa mga biktimang nag-apply para sa WPP.
Tugon ni Bongalon na nagsilbing budget sponsor, halos kalahati na ng mga biktima ni Quiboloy ay nasa witness program at inaasahan na madaragdagan pa ito.
Base rin sa ulat ng ahensya, nahaharap sa dalawang kaso ng child abuse ang nakakulong na pastor at isang human trafficking case.
Dagdag pa ni Bongalon, kung sakaling mag-request ng extradition ang US para kay Quiboloy na mayroon ding kinakaharap na kaso doon ay tatalima ang Pilipinas.
Subalit uunahin muna na tapusin ang pagresolba sa mga kaso ng KOJC leader dito sa bansa bago sa Estados Unidos.
Hindi rin umano makakapagbigay ng time table ang kagawaran dahil magbabago ang posibleng mga proseso sa kaso kapag nadagdagan ang mga nagrereklamo.