-- Advertisements --
Tripoli, Libya (photo from Wiki)

CAUAYAN CITY – Maraming overseas Filipino workers (OFW) sa Libya ang patuloy na tumatanggi na umuwi sa Pilipinas sa kabila ng nagpapatuloy na civil war sa nasabing bansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Levy Bermudez, tubong Baguio City at nagtatrabaho bilang nurse sa Benghazi, Libya, na ang Embahada ng Pilipinas sa Tripoli ay patuloy ang pakiusap sa kanila na umuwi na sa bansa dahil sa lumalalang kaguluhan.

Gayunman, sila aniya mismo ang nakikiusap sa pamahalaan na manatili muna sa Libya upang hintayin ang kanilang sahod na ma-remit sa bangko.

Umaasa aniya ang mga manggagawang Pilipino na kapag natapos ang civil war sa Libya ay babalik sa normal ang operasyon ng mga bangko.

Nabatid na umaabot na sa tatlong hanggang apat na taon na hindi na-withdraw at hindi nai-remit ang kanilang sahod mula sa mga bangko

Marami namang OFWs ang maganda ang trato sa kanila ng mga employer kaya sinusuklian nila ng tapat na serbisyo.