-- Advertisements --

Ipinaalala ng Department of Transportation (DOTr) – Maritime Sector ang karapatan ng mga pasahero sa mga sasakyang pandagat kasabay ng tuloy-tuloy na pagdagsaan ng mga ito sa mga pantalan.

Pangunahin dito ang karapatan ng mga pasahero sa mga pagkakataong nakansela, na-delay, o hindi nakumpleto ang kanilang biyahe sa pamamagitan ng mga sasakyang pandagat.

Sa ilalim ng Maritime Industry Authority (MARINA) Circular 2018-07, ang mga mga pasaherong nakaranas nito ay may karapatang malaman ang dahilan ng aberya, karapatang mabigyan ng akmang refund, at ma-revalidate ang kanilang mga ticket.

Kung pinili ng mga pasahero na i-revalidate ang kanilang mga ticket, maaari rin silang mag-avail ng iba pang amenities tulad ng mga pagkain at libreng accommodation kung kinakailangan, habang hinihintay na ma-reschedule ang kanilang mga trip.

Pero paalala ng DOTr Maritime Sector, ang karapatan ng mga pasahero na ma-refund ang kanilang mga pamasahe ay maaari lamang magamit o walang libreng accommodation na maibigay ang shipping operator.

Sa mga pasahero namang makakaranas ng ‘uncompleted voyage’, hawak nila ang karapatan para sa libreng amenities, karapatan para sa tamang compensation, at karapatang makapagbiyahe rin sa kanilang pupuntahan.