Isinasapinal na ng Minnesota Timberwolves ang paglilipat kay Karl-Anthony Towns sa New York Knicks.
Batay sa inisyal na detalye ng trade, ipapalit kay Towns sina Julius Randle at Donte DiVincenzo, kasama ang isang first-round draft pick.
Si Towns ay nanatili ng sampung season sa Wolves, ang koponan na pumili sa kanya bilang 1st overall noong 2015.
Nagawa din niyang dalhin ang Wolves sa ilang playoff at nakapasok sa Western Conference finals nitong nakalipas na season, sa tulong ng bagitong guard na si Anthony Edwards.
Si Towns ay kabilang sa iilang player sa buong liga na umabot ng isang dekada sa iisang team kayat maraming analysts ang nagulat sa kanyang paglipat lalo at hindi siya nagpakita ng anumang interes na umalis sa Minnesota.
Samantala, bagamat limitado lamang ang paglalaro nitong nakalipas na season inaasahang magiging malaking tulong si Randle sa Wolves, kasama ang sharp shooter na si DiVicenzo.
Makakasama ng dalawa ang bagitong si Edwards at ang 7 footer na si Rudy Gobert.
Sa kasalukuyan, wala pang gaanong detalyeng inilalabas sa naturang deal.