-- Advertisements --

CEBU CITY – Apektado na ang presyuhan ng mga karne ng baboy na ibinenta sa mga palengke sa lalawigan ng Cebu kaugnay na rin sa isyu ng African Swine Fever na nakapasok sa bansa.

Inihayag ng isang meat vendor na si Ramona Biñas na mula sa P220 ay naging P190 na lang ang presyo ng kanyang karneng baboy dahil matumal na diumano ang benta nito.

Aniya, takot ang mga kunsomidor na kumain ng karneng baboy dahil sa sakit na ASF kahit na hindi naman ito nakakaapekto sa tao.

Kaugnay nito ay hinikayat ni Biñas ang mga tao na bumili at kumain ng karneng baboy dahil ligtas naman itong kainin.

Samantala, siniguro naman ng Cebu provincial government na poprotektahan nito ang mga hog raiser sa probinsiya ng Cebu.

Ayon kay Provincial Board Member Victoria Toribio na on-going ang kanilang pagbabalangkas sa isang resolusyon na magsisiguro na hindi makapasok ang ASF sa Cebu.

Giit nitong walang dapat na ipag-alala ang mga hog raiser dahil may hakbangin ng ginagawa ang Cebu Provincial African Swine Fever Task Force upang maprotektahan ang P11-billion hog raising industry ng probinsiya.

Kung maalala, una nang nagpalabas ng kautusan si Cebu Provincial Governor Gwendolyn Garcia na i-ban ang pagpasok ng mga baboy o kahit mga pork canned goods na nanggaling sa mga bansa na positibo sa African Swine Fever patungo ng Cebu.