CAUAYAN CITY – Nakakulong na ngayon ang isang karpintero matapos mahuli sa isinagawang drug buy bust operations ng pinagsanib na puwersa ng Cauayan City Police Station at Provincial Intelligence Unit sa Barangay District 1, Cauayan City.
Ang pinaghihinalaan ay si Jayson Lagrimas, 25, binata at residente ng nabanggit na barangay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Lt. Scarlet Topinio, tagapagsalita ng Cauayan City Police Station na matagal nang minamanmanan ang pinaghihinalaan kaugnay sa pagbebenta ng droga.
Agad dinakip si Lagrimas matapos makabili ang police poseur-buyer ng isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang marijuana na himigit kumulang limang gramo .
Nagkaroon naman ng bahagyang tension sa pagitan ng pamilya ng pinaghihinalaan at mga otoridad gayunman nagpatuloy ang operasyon .
Mariin namang itinatanggi Lagrimas na sa kanya ang isang kahon ng sigarilyo na inilagay umano sa kanyang harapan na may lamang marijuana.
Hinamon pa niya ng pulisya na isailalim siya sa fingerprints upang mapatunayan na hindi sa kanya ang kahon ng sigarilyo na may lamang marijuana.
Inamin naman ni Lagrimas na minsan na siyang gumamit ng droga noong 2015 ngunit hindi na niya ito binalikan pa.